Hindi napigilan ng aktres na si Kim Chiu ang maging emosyonal matapos maibahagi ang naging pagtulong niya sa ilang mga ka-barangay sa Marikina.
MAYNILA — Hindi napigilan ng aktres na si Kim Chiu ang maging emosyonal matapos maibahagi ang naging pagtulong niya sa ilang mga ka-barangay sa Marikina.
Sa “Magandang Buhay” nitong Biyernes, ibinahagi ni Kim ang kasiyahan na makatulong sa mga nangangailangan mula nang isailalim sa enhanced community quarantine ang Luzon dahil sa coronavirus (COVID-19).
“Parang na-engganyo ako sa mga nakikita sa Instagram. Gusto ko magbigay ‘di lang sa fundraising, sa donation, gusto ko ‘yung mapagod din ako, galaw-galaw, bukod sa exercise. Ang sarap mag-repack ng mga bagay-bagay tapos mahahatid mo sa mga pamilya dito sa kung saan ako nakatira, dito sa paligid ko, mabigyan ko sila, kasi walang work. Sa maliit lang na bagay, malayo naman ang mararating. Sana maraming ma-inspire doon sa kahit maliit lang na bagay, kahit ilang barangay lang, apat na barangay, 500 families, okay na 'yon. So napakasarap sa pakiramdam. At saka ‘yung angels namin dito tulungan kami, para may ginagawa kami together, bonding. Ito na yata ang pinakamalala kong bonding sa mga angel ko rito sa bahay,” ani Kim.
“Masarap sa feeling siyempre, kahit paano may nagawa ka sa kapwa mo,” ani Kim na tuluyan nang naging emosyonal.
“Siguro, lahat ng tao ngayon ay pantay-pantay na. Walang mahirap, walang mayaman. Parang iisa na lang ‘yung dinudulog natin na sana ay matapos na lahat ito. Ngayon parang naging stronger ‘yung faith natin kasi wala tayong makapitan dahil walang gamot ang coronavirus, sadyang prayers na lang. Kaya every night nagro-rosary na kami. Two weeks na kami nagro-rosary. Hindi ko inakala na aabot kami sa ganito. At least kaka-pray mo nang kaka-pray, malakas naman kami rito sa bahay. Pinagdarasal din namin ang frointliners lasi ang hirap nang ginagawa nila ngayon, ‘yung mga guard, nag-aayos ng internet,” ani Kim.
Nang matanong kung ano ang mensahe niya sa mga lugmok ngayon dahil sa krisis dala ng coronavirus, sagot ni Kim: “Siyempre iba iba tayo nang dinaranas na problema ngayon. Sana tibayan lang nila ang loob nila, tibayan nila ang paniniwala sa Panginoon na sana ay matapos na lahat ito. Tibay lang ng loob, ng resistensiya, tibay lang, tiwala sa Panginoon. Tibayan ang ating sarili kasi ang hirap talaga nito.”
Samantala, ibinahagi ni Kim na tapos na ang 14 araw na quarantine niya at maging ng ilang mga kasamahan niya sa seryeng “Love Thy Woman” na katrabaho ni Christopher de Leon na nagpositibo sa COVID-19 pero ngayon ay nagpapagaling na, ayon na rin kay Kim.
Naibahagi ito ni Kim nang kumustahin kung paano ang komunikasyon nila ng nobyong si Xian Lim.
“Video call lang. Kasi naka-quarantine din kami mga ‘Love Thy Woman’ cast dahil nga kay Tito Bo (de Leon) na magaling na ngayon, nagpapagaling na ngayon at pang-14th day na namin na quarantine. So okay naman ako, wala naman akong nararamdaman na masama. Nakakapag-workout ako at nakikipag-usap pa sa inyo,” ani Kim.
Maliban kay Kim ay maayos ang lahat ng mga kasama niya sa bahay. Aniya, maliban sa exercise ay Tiktok ang ginagawa niya pangontra bagot.
“Okay naman kami siyempre nasa bahay lang. Dapat sumunod tayo sa sabi ng government. Kung hindi naman kailangan lumabas huwag na lumabas. Pero may quarantine pass na din, di ba? Isang household lang ang puwedeng lumabas ng bahay. Para kaming nag-PBB, nagbotohan kami sino ang lalabas. Napili namin ‘yung ate ko,” ani Kim na nangsimulang sumikat nang maging parte siya ng “Pinoy Big Brother.”